Tinapos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang dalawang linggong pahinga at humarap sa publiko nitong Lunes ng gabi.
Sa kanyang Talk to the People Address, inamin ni Pangulong Duterte na sinadya niyang umabsent at lumayo muna sa mata ng publiko.
Dagdag pa ng Pangulo, sinusubukan lamang niya ang kanyang mga kritiko.
Depensa pa ni Pangulong Duterte na maaari rin siyang umuwi sa Davao City kahit kailan dahil doon siya nakatira.
Ang kanyang gastos sa pagbiyahe ay hindi sinasagot ng pamahalaan.
Hindi rin nakadalo ang Pangulo sa kaarawan ng kanyang anak dahil tambak siya ng trabaho, partikular ang mga dokumento para sa food security at agriculture.
Nais tiyakin ng Pangulo na naaayon sa batas ang mga dokumento.
Nabatid na ipinagpaliban ang televised address ng Pangulo noong nakaraang linggo dahil sa ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang nagpositibo sa COVID-19.