Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang binitawang pangako na babawiin ang West Philippine Sea noong tumakbo siya sa 2016 presidential campaign.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, sinabi ni Pangulong Duterte na iniiwasan niyang pag-usapan ang agawan ng teritoryo noong kampanya dahil ang usaping ito ay dapat dinadaan nasa diplomatikong talakayan.
Bukod dito, binigyang diin din niya na wala siyang ipinangakong ipe-pressure niya ang China.
Noong presidential debate, sinabi ni Pangulong Duterte na tutungo siya sa Spratlys Island sa pamamagitan ng jet ski at maglalagay ng watawat ng Pilipinas doon para itaguyod ang soberenya ng bansa.
Pero kinalaunan ay nilinaw na ang kanyang pahayag ay isang hyperbole o eksaherado lamang para ipuntong hindi niya isusuko ang mga inaangkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea.