Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘empty gesture’ ang pag-alis ng Pilipinas mula sa Rome Statute na siyang nagtatag ng International Criminal Court (ICC).
Sa kanyang Talk to the Nation Address, muling sinabi ni Pangulong Duterte na hindi kailanman naging batas sa bansa ito.
Aniya, wala siyang natanggap na kopya ng ICC treaty lalo na at hindi ito inilathala sa Official Gazette, isang legal requirement bago maging epektibo ang isang batas sa Pilipinas.
Hindi pa niya ito nababasa at kinumpirma na mismo ng Palace archives at priting bureau na wala silang inilathala na ganitong dokumento.
“Wala akong kopya hanggang ngayon sa Rome Statute…Wala akong copy. I do not know what I committed, whether it’s a crime, a wrong, I don’t know,” sabi ni Duterte.
“Now you want me prosecuted. It was an empty gesture of me wala kasi. There was nothing to withdraw in the first place. Ginawa ko lang ‘yun to impress everybody na wala talagang batas. I was withdrawing nothing. Until it is established there was publication, then it becomes a law,” punto ng pangulo.
Hindi aniya kailanman magkakaroon ng hurisdiksyon ang ICC sa kanya dahil hindi naman nailathala ang tratado sa bansa.
Mas gugustuhin niyang harapin ang lokal na korte kaysa litisin ng foreign tribunal.
Sa pagkakaalala pa ng pangulo, nang ratipikahan ito ng Senado, hindi nai-transmit ang dokumento sa Executive department para itoy ay mai-publish sa Official Gazette.
Kaya sinabi ni Pangulong Duterte na “shor-circuited” o minadali ang pag-apruba ng bansa sa ICC treaty.
Nabigo aniya ang ICC na imbestigahan ang iba pang human rights violations dahil nakatuon ito sa pulitika sa bansa.
Matatandaang inilabas ng Korte Suprema ang ruling na obligado pa rin ang Pilipinas na makipagtulungan sa proseso ng ICC kahit nag-withdraw ito sa tratado.