Pangulong Duterte, iginiit na walang korapsyon sa vaccine procurement

Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na walang korapsyon sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.

Sa kanyang Talk to the Nation Address, aminado ang Pangulo na nasasaktan siya dahil sa mga alegasyon ng korapsyon lalo na sa pagbili ng bakuna.

“So walang corruption dito kasi walang hinahawakan ni sinuman sa amin dito na bilyon. Masakit sa amin na basta na lang sweeping allegations about corruption. ‘Yung ang pakiusap ko lang din sa members ng Congress,” ani Pangulong Duterte.


Muling iginiit ng Pangulo na walang silang hinahawakang pera sa vaccine purchase dahil ang gagamiting pondo para dito ay mula sa mga loan.

Ang pagbabayad ay mangyayari sa pagitan ng multilateral lender at ng drug manufacturer.

“Itong pambayad natin sa bakuna, hiniram natin ito sa DBP pati sa World Bank. Wala kasi tayong pera. Ngayong pagdating sa bayaran, kung tapos na lahat, ang mga manufacturers ang Pfizer, lahat, magkolekta sila hindi sa atin. Doon nila kunin ang pera nila sa World Bank pati DBP,” sabi ng Pangulo.

Hindi rin pinangalanan ni Pangulong Duterte ang mambabatas na ipinupukol ang alegasyon ng korapsyon sa pamahalaan.

Pinasalamatan ni Pangulong Duterte ang Kongreso sa pagbibigay sa executive branch ng suporta na gawin ang trabaho nito lalo na sa pandemic response at vaccination program.

Dapat ding tiyakin ng mga government officials na magkakaroon ng compliance sa procurement at accounting rules lalo na sa paggastos ng COVID-related funds.

“My demand would really be just to follow the rules laid down by government… from accounting to procurement, distribution and implementation of the mandate. Just follow the rules and we will be happy… para walang problem. “Why? The reason is very simple. It is the people’s money tapos inappropriate ng Congress para dito,” sabi ng Pangulo.

Matatandaang naglaan ang pamahalaan ng ₱82.5 billion para sa vaccine procurement, logistics at iba pang supplies.

Facebook Comments