Pangulong Duterte, ikinalungkot ang pagpanaw ni PLLO Chief Sitoy

Ikinalungkot ni Pangulong Rodrigo Duterte na matanggap ang balitang pumanaw ang isa sa mga miyembro ng kanyang gabinete.

Si Presidential Adviser for Legislative Affairs Adelino Sitoy ay pumanaw sa edad 85 at nagsilbing bise alkalde ng Cordova, Cebu bago naging bahagi ng gabinete noong 2016.

Sa kalagitnaan ng kaniyang public address nitong Huwebes ng gabi, nag-alay siya at kaniyang mga kasama sa gabinete ng panalangin.


“I’m very sad to relay to you the death of the second Cabinet member to die. First was (Metropolitan Manila Development Authority head) Danny Lim. Second was Secretary Sitoy of the Legislative-Executive Liaison Office,” sabi ni Pangulong Duterte.

“I will call for a break for about a minute and request to stand and we pray in silence for his soul,” dagdag pa ng Pangulo.

Kaugnay nito, nagpaabot ang Malacañang ng pakikiramay sa pamilya ni Sitoy.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kinikilala nila ang naging trabaho ni Sitoy sa pagsusulong ng mga priority measure ng administrasyon sa Kongreso.

Si Sitoy aniya ang naging susi para maipasa ang mga mahahalagang batas at mayroon siyang maayos na working ties sa lehislatura.

Para naman kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, si Sitoy isang kaibigan, kapatid sa propesyon at kapwa miyembro ng gabinete.

Wala aniyang pagod si Sitoy na nakikipag-coordinate sa Kongreso para maipasa ang mga administration bills.

Pinuri din ni Panelo ang hindi matatawarang devotion ni Sitoy sa public service at pagpapamalas niya ng selflessness at humility.

Si Sitoy ay ipinanganak noong February 6, 1936 sa Cordova Cebu at nakuha ang kanyang law degree sa University of San Carlos at ang master’s degree sa University of Southern Philippines.

Siya ay naging university professor at naging Dean ng College of Law sa University of Cebu.

Naging prosecutor din siya at nagsilbing Commissioner at Director sa Cebu Port Authority at Metropolitan Cebu Water district.

Hinalal si Sitoy bilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Cordova noong 1975 at Sangguniang Panlalawigan ng Cebu hanggang 1984.

Naging assemblyman, kinatawan ng lalawigan ng Cebu at naging alkalde ng Cordova mula 2007 hanggang 2016.

Nanalo siya bilang vice mayor ng Cordova nitong 2016 pero binitawan niya ito para kunin ang Cabinet post.

Facebook Comments