Inabuso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kapangyarihan!
Ito ang binigyan diin ng abugado ng pamilya Laude sa pagbibigay ng Pangulong Duterte ng absolute pardon kay US Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Sa interview ng RMN Manila, binigyan diin ni Atty. Virginia Lacsa Suarez na nakakadismaya ang paggamit ng Pangulo ng kanyang kapangyarihan para lang palayain si Pemberton na gumawa ng karumal-dumal na krimen.
Pinalagan din ni Suarez ang naging rason ng Pangulung Duterte na hindi patas ang Pilipinas kaya pinalaya nito si Pemberton dahil taliwas aniya ito sa tunay na pangyayari.
Bagama’t aminadong wala nang habol ang pamilya Laude sa naging desisyon ng Pangulong Duterte, sinabi ni Suarez na magsisilbi naman itong repleksyon ng patuloy na diskriminasyon sa mga kababaihan at LGBTQ group.
Sa interview ng RMN Manila, duda naman si Bayan Muna Secretary General Renato Reyes sa tunay na motibo ni Pangulong Duterte sa pagbibigay nito ng absolute pardon kay Pemberton.
Bunsod nito, nanawagan si Reyes na ibasura na ang Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) dahil patunay lamang aniya nito na dehado talaga ang mga Pilipino sa naturang kasunduan.