Inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang European Union (EU) na hino-hostage ang COVID-19 vaccines ng AstraZeneca.
Ito ang pahayag ng Pangulo kasunod ng mga ulat na mayroong bagong mechanism ang EU na nagpapahintulot sa mga member-countries nito na bantayan at harangin ang mga COVID-19 vaccine.
Nababahala kasi ang EU na ang vaccine doses ay ipinadadala sa ibang bansa bago makumpleto ng mga vaccine companies ang kanilang obligasyon sa rehiyon.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi pa mapapantayan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang EU.
Umaasa naman ang Pangulo na magiging makapangyarihan ang ASEAN gaya ng EU balang araw.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nakatakdang tumanggap ang Pilipinas ng nasa 5.5 million hanggang 9.2 million doses ng AstraZeneca vaccine sa pamamagitan ng COVAX Facility ng World Health Organization (WHO).