Pangulong Duterte, inanunsyo na may libreng sakay sa LRT-2 mula Santolan hanggang Antipolo

Gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing libre para sa mga commuters sa loob ng dalawang linggo ang pagsakay sa bagong bukas na LRT-2 East Extension Project stations.

Pagkatapos ng dalawang dekadang paghihintay, nakumpleto na ang Marikina-Pasig at Antipolo Stations ng LRT-2.

Ang pinasinayaan ay ang dugtong na 3.793 kilometers sa existing 13.8-kilometer LRT-2 train line na magkokonekta sa Metro Manila at sa lalawigan ng Rizal.


Sa pagkumpleto ng proyektong ito, inaasahang bababa sa 40 minuto na lamang ang travel time mula Recto hanggang sa Antipolo, kumpara sa kasalukuyang biyahe na umaabot ng halos 3 oras, sakay ng jeepney o bus.

Sa Martes, July 6, ay mapapakinabangan na ang LRT-2 East Extension Project stations.

Sa kaniyang talumpati, nilinaw ni Pangulong Duterte na ang free trips ay para sa biyaheng LRT-2 Santolan Station to Antipolo Station at vice versa.

Itinaas na rin ang bilang ng tren na bibiyahe sa main line mula Recto Station sa Manila hanggang Antipolo Station.

Ito’y mula limang tumatakbo patungong walong tren na bumibiyahe.

Facebook Comments