Pangulong Duterte, inaprubahan ang dry-run ng face-to-face classes

Papahintulutan na ng pamahalaan ang pagsasagawa ng dry-run o boluntaryong face-to-face classes sa ilang eskwelahang matatagpuan sa mga lugar na may mababang banta o walang kaso ng COVID-19.

Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proposal ng Department of Education (DepEd) para sa dry-run ng physical classes.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pilot implementation ng in-person classes ay isasagawa sa ilalim ng mahigpit na health at safety protocols at mangangailangan ng permiso mula sa mga magulang o guardian.


Ang DepEd ay makikipag-coordinate sa National Task Force para sa pagmo-monitor ng pilot implementation.

Ang hakbang na ito ay responsibilidad ng DepEd, Local Government Units (LGUs) at ng mga magulang.

Iginiit ni Roque na ang face-to-face classes sa mga eskwelahan ay hindi dapat compulsory pero voluntary sa parte ng mga estudyante at mga magulang.

Nabatid na ipinatupad ngayong school year ang distance learning kung saan isinasagawa ang klase sa pamamagitan ng virtual conference gamit ang iba’t ibang learning methods gaya ng online, printed modules o radio at television-based instruction.

Facebook Comments