Pinabubuo ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ng bagong team na siyang tututok sa pagbibigay ng financial assistance sa mga health workers na naging biktima ng COVID-19.
Ginawa ng Pangulo ang direktiba matapos magalit sa pagkabigo ng DOH na maipagkaloob ang tig-iisang milyong pisong financial assitance sa naulilang pamilya ng 32 health workers na namatay dahil sa COVID-19 at tig-100,000 piso para naman sa nagpositibong health workers sa COVID-19.
Ayon sa Pangulo, hindi ginawa ng mga tauhan ni Secretary Duque ang kanilang trabaho kaya hindi agad nabuo ang Implementing Rules and Regulation ng financial compensation para sa mga health workers na tinamaan ng COVID-19 na nakapaloob sa Bayanihan to Heal as One Act of 2020.
Kanina, nagbanta pa ang Pangulo na kanyang sisibakin ang sinumang opisyal na hindi makakatalima sa pagbibigay ng benepisyo sa mga medical frontliners.
Matatandaang binigyan ng hanggang Martes na ultimatum ng Pangulo ang mga kinauukulang ahensya para ibigay ang sick & death benefits ng mga frontliners na tinamaan ng COVID-19.