Pangulong Duterte, inatasan ang gabinete na pabilisin ang paghahatid ng tulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Auring

Binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng isang linggo ang kanyang gabinete para ihatid ang mga kinakailangang tulong at ayuda sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Auring.

Sa situation briefing sa Surigao Del Sur, sinabi ni Pangulong Duterte na mahigpit niyang babantayan ang relief efforts na isasagawa ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.

“You have one week to do it. All of you. Padala kayo dito, kung may kulang. If there is anything to be fixed, do it. Come back here,” sabi ng Pangulo.


Bukod dito, inatasan ng Pangulo ang mga opisyal na magpadala ng maaasahang tauhan para maghatid ng tulong.

Huwag na rin aniyang umabot sa puntong nananawagan na ang mga local executives para i-follow up ang kanilang calamity assistance.

“There’s no need for you to go Manila, somebody will come back here..kami na bahala. I’ll follow up the progress,” dagdag ng Pangulo.

Bago ito, nagsagawa ang Pangulo ng aerial inspection sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.

Ayon kay Pangulong Duterte na hindi gaano matindi ang bagyo at pinuri ang government workforce sa kanilang disaster response efforts, mula sa preemptive evacuation hanggang sa pagbibigay ng ayuda.

Sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), isa ang namatay sa hagupit ng bagyo, apat ang nawawala at nasa 29,000 na pamilya ang apektado.

Facebook Comments