Pangulong Duterte, inatasan na ang DOE na agad ibalik ang suplay ng kuryente sa mga lugar na apektado ng Bagyong Odette

Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Energy (DOE) na agad ibalik ang suplay ng kuryente sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Odette.

Kasunod ito ng ulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na hindi pa rin available ang mga transmission line facilities na nag susuplay ng kuryente sa buong Northern Samar, Samar, Southern Samar, Eastern Samar, Leyte, Southern Leyte, Biliran, Surigao del Norte at Bohol.

Habang ilang lalawigan ang partially nagkaroon na ng suplay ng kuryente, kabilang ang Antique, Iloilo, Negros Oriental at Cebu.


Ayon kay acting Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, pinamamadali na ng Pangulong sa DOE ang pagsasaayos ng mga transmission lines sa naging pagbisita nito sa Bohol.

Maliban sa DOE, inatasan din ng pangulo ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na maglagay ng very small aperture terminal (VSAT) equipment sa Siargao bilang satellite phones para sa komunikasyon nito sa Office of the Civil Defense.

Sa ngayon batay sa datos ng NGCP, kabuuang 70 transmission lines nila ang apektado ng bagyo.

Facebook Comments