Pangulong Duterte, inilagay sa ECQ ang Cebu City; Metro Manila, mananatili sa GCQ

Muling itinaas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Cebu City simula ngayong araw, June 16.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pagtaas ng bilang ng kaso at pagkalat ng community transmission sa mayorya ng mga barangay ang dahilan kung bakit inilagay muli sa ECQ ang Cebu City.

Bukod dito, ang case doubling time ay umaabot lamang ng hindi bababa sa pitong araw, at malapit nang maabot ang critical care capacity.


Ang Talisay City sa Cebu Province ay inilagay sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) hanggang June 30, 2020.

Ang Metro Manila ay mananatili pa rin sa General Community Quarantine (GCQ) kasama ang Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Santiago City sa Region 2.

Nasa ilalim din ng GCQ ang Aurora, Bataan, Bulacan, Tarlac, Olongapo City sa Region 3, CALABARZON, at Occidental Mindoro.

Sa Visayas, ang Bohol, Cebu, Negros Oriental, Siquijor, Mandaue City, Lapu-Lapu City sa Region 7 ay inilagay sa GCQ, kasama ang Davao City at Zamboanga City.

Ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa ilalim ng Modified GCQ hanggang katapusan ng buwan.

Facebook Comments