Manila, Philippines -Ipinakita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga may-ari ng Mining companies ang kanyang updated o bagong Drug List o ang listahan ng mga personalidad na sangkot sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Batay sa inilabas na larawan ng Malacanang ay nakita na hinarap ni Pangulong Duterte ang mga mining companies sa Palasyo kasama si Presidential Management Staff Secretary Bong Go at Environment Secretary Roy Cimatu.
Wala namang ibinigay na detalye ang Presidential Communications Operations Office kung ano ang bago sa drug list ni Pangulong Duterte, wala din namang inilabas na impormasyon ang Palasyo sa kung ano ang naging resulta ng pulong ni Pangulong Duterte kasama ang mga may-ari ng Mining Companies.
Samantala Nakatakda namang ilahad mamaya ng binuong Task Force Bangon Marawi ang plano ng pamahalaan hinggil sa rehabilitasyon ng Marawi city matapos ang pag-atake ng Maute-ISIS terror group.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar layon ng isasagawang forum mamayang 9:00 ng umaga sa Conrad hotel ay maipaliwanag sa publiko kung paano ang gagawing rehabilitasyon sa Marawi gamit ang P20 billion fund na inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Haharap naman sa nasabing press briefing ibat-ibang miyembro ng nasabing taskforce upang ilatag ang kanilang mga plano sa rehabilitasyon ng Marawi City.