Pangulong Duterte, ipaprayoridad ang bakuna ng China at Russia; pagbabayad ng reservation fee, hindi gagawin ng Pilipinas

Ipaprayoridad ng pamahalaan ang mga COVID-19 vaccines na gawa ng China at Russia.

Sa kaniyang mensahe sa publiko, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na bibili siya ng mga bakuna mula China at Russia kapag napatunayang epektibo at ligtas.

Umaasa ang Pangulo na kapag bumili ang Pilipinas ng bakuna mula sa dalawang bansa ay dadaan ito sa bidding.


Mas pinili ni Pangulong Duterte ang China at Russia dahil sa ipinakita nilang kabutihang loob sa Pilipinas mula nang magsimula ang pandemya.

Binanatan din ng Pangulo ang Western countries at mga pharmaceutical companies na gusto lamang kumita ngayong COVID-19 pandemic.

Aniya, hindi kailanman magbabayad ang Pilipinas ng “cash advance” o “reservation fee” para sa mga bakunang dine-develop pa lamang.

Binanggit ng Pangulo na sa ilalim ng Government Procurement Reform Act, hindi maaaring bumili ng anuman na hindi pa nagagawa.

Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na nakikipag-usap ang Pilipinas sa mga vaccine developers mula China at Russia.

Nitong Agosto, inanunsyo ng Russia ang aprubado nilang bakuna na “Sputnik V.”

Facebook Comments