Pangulong Duterte, ipauubaya na ang desisyon sa NTF-ELCAC ang magiging kapalaran ni Parlade

Iiwanan na ng Malacañang sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kung sisibakin sa pwesto o hindi si Lieutenant General Antonio Parlade Jr. dahil sa mga naging komento nito patungkol sa community pantries at sa mga senador.

Nabatid na in-adopt ng Senado ang committee report na nagrerekomenda na tanggalin bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC si Parlade.

Si Senator Panfilo Lacson, Chairperson ng Committee on National Defense ang nag-sponsor ng nasabing report.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi nagma-“micromanage” si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinauubaya na ng Pangulo sa task force kung ano ang magiging kapalaran ni Parlade.

May ilan ding mambabatas ang isinusulong na tapyasan ng pondo ang anti-communist task force sa susunod na taon at i-reallocate ang 19 billion pesos na budget nito bunga ng red tagging ni Parlade.

Una nang sinabi ng Palasyo na suportado nila ang ipinataw na gag order ni National Security Adviser Hermogenes Esperon kina Parlade at Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy.

Facebook Comments