Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na sirain ang lahat ng nakumpikang ilegal na droga ng mga awtoridad.
Sa kaniyang public address, binibigyan ni Pangulong Duterte ang mga awtoridad ng isang linggo para sirain ang mga nasabat na kontrabando.
Naniniwala ang Pangulo na mas mapoprotektahan ang mga Pilipino kapag sinira ang mga nakumpiskang droga at maiiwasan pa itong manakaw, magamit at ma-recycle.
Dagdag pa ng Pangulo, bibisitahin niya ang mga pasilidad kung saan nakatago ang mga ilegal na droga.
“I want all the shabu residual or otherwise, however minimal, destroyed, the whole of it by next week. You have so many days to do it in one week. Do it in one week. Destroy and get specimen,” sabi ng Pangulo.
Iginiit ng Pangulo na kailangang sirain ang mga ilegal na droga pagkatapos ng ocular inspection, kung saan mayroong kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at National Bureau of Investigation (NBI).
Batid din ni Pangulong Duterte na may ilang pulis ang sangkot sa pagre-recycle ng nakumpiskang droga.
Umaasa si Pangulong Duterte na susuportahan siya ng Korte Suprema hinggil dito.
“I hope the Supreme Court will agree with me — just a few days after, they should be destroyed and be accounted for accurately. But as I said, sans the practice of stealing and recycling,” ani Pangulong Duterte.
Nitong Hulyo, nagpaalala ang Korte Suprema sa mga trial judges na pabilisin ang inspeksyon at pagsira ng mga ilegal na drogang nakukumpiska sa police operations.
Nakasaad sa batas na kailangang magsagawa ng inspeksyon ang korte sa mga nasabat na droga sa loob ng 72 oras matapos ang paghahain ng criminal case at agad itong sirain saloob ng 24 oras matapos ang ocular inspection.