Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga bangko na palawigin ang loan repayment terms nito sa mga maliliit na negosyo na apektado ng COVID-19 crisis.
Sa ika-limang State of the Nation Address (SONA), umapela ang Pangulo sa financial institutions na tulungan ang Micro, Small at Medium Enterprises (MSMEs) na matinding naapektuhan ng lockdown na ipinatupad ng pamahalaan.
Nakiusap din ang Pangulo sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at mga bangko na ipagpaliban ang pagpapataw ng penalties at charges.
Mahalaga ang tulong ng mga bangko para maiwasan ang pagbagsak ng mga kompanya na natambakan ng naipong amortizations at payables dulot ng pagsasara ng kanilang negosyo sa gitna ng mahigpit na quarantine protocols.
Ang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry (DTI) ay tumutulong sa MSMEs sa pagbibigay ng loans sa ilalim ng COVID Assistance to Restart Enterprises Program (CARE).