Pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ang COVID-19 Task Force ng pamahalaan sa kabila ng mga akusasyong bigo nilang gampanan ang kanilang trabaho.
Kinilala ng Pangulo ang walang kapagurang trabaho ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) at ang National Task Force against COVID-19 (NTF) para tiyaking nababantayan ang pandemya at kaligtasan ng bawat mamamayan.
Batid din ng Pangulo ang walang humpay na pagtatrabaho ng Local Government Units (LGU) na pinaigting ang kanilang sariling response measures para makontrol ang pagkalat ng virus at maibsan ang epekto nito sa mga komunidad.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa mga tumutulong na matiyak na may sapat na suplay ng pagkain, tubig at iba pang pangangailangan sa bawat kabahayan, at sa mga nagbibigay ng social services at financial assistance.
Kaugnay nito, nanawagan si Pangulong Duterte sa Kongreso na ipasa ang Advanced Nursing Education Act at ang batas na nagtatatag ng Medical Reserve Corps.