Sa ikatlong Senate hearing ukol sa vaccination program ay sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na kukumbinsihin niya si Pangulong Rodrigo Duterte na magpaturok ng COVID-19 vaccine sa harap ng publiko.
Sagot ito ni Duque sa tanong ni Senator Nancy Binay kaugnay sa sinabi ng Malacañang na personal na desisyon ni Pangulong Duterte na huwag nang gawin sa harap ng publiko ang kanyang pagpapabakuna.
Paglilinaw naman ni Duque, irerespeto nila ang magiging pinal na pasya ng Pangulo.
Hinikayat naman ni Duque sina Binay, Senate President Tito Sotto III at iba pang mga senador na maunang magpabakuna para mahikayat ang publiko.
Sabi ni Binay, baka hindi siya makatulong sa paghikayat sa publiko dahil takot siya sa karayom, habang handa naman si SP Sotto na gawin ito pero kung may aangal na VIP treatment siya ay magpapahuli na lang siya.
Samantala, sa pagdinig ay ginarantiyahan naman ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na walang magiging delivery ng Sinovac vaccine hangga’t wala itong Emergency Use Authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Sabi naman ni FDA Director General Eric Domingo, ongoing pa ang pag-aaral nila sa pag-iisyu ng EUA sa Sinovac na nitong Miyerkules lang sa kanilang nagsumite ng resulta ng mga clinical trials sa ibang bansa.