Dadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa isang virtual summit ngayong araw kasama ang ilang Asia Pacific Leaders para talakayin ang mga hakbang laban sa COVID-19 pandemic at pagsusulong ng economic recovery sa rehiyon.
Ang mga lider ng 21 bansang miyembro ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) ay magpupulong sa pamamagitan ng video conference na pangungunahan ng Malaysia bilang chairperson ng summit.
Ang APEC Summit ngayong taon ay may temang: “Optimizing Human Potential towards a Resilient Future of Shared Prosperity: Pivot. Prioritize. Progress”
Ayon kay Presidential Assistant for Foreign Affairs Robert Borje, inaasahang nakatuon ang pulong sa epekto ng pandemya sa kalusugan at ekonomiya.
Isusulong din ni Pangulong Duterte ang mga pananaw ng Pilipinas sa post-2020 vision ng APEC at tatalakayin ang mga kasalukuyang hamon sa multilateral trading system.
Inilatag ng Malaysia ang priority areas tulad ng pagpapabuti ng trade and investment, economic participation sa pamamagitan ng digital economy at innovative technology.
Ipi-prisenta ng International Monetary Fund (IMF) ang global economic outlook sa APEC leaders.
Kasama ng Pangulo sa summit sina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at Trade Secretary Ramon Lopez.