Nakatakdang lumipad si Pangulong Rodrigo Duterte sa China sa April 25 hanggang 27 para sa kanyang pagdalo sa Belt and Road Initiative ng China.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Meynardo Montealegre sa briefing sa Malacanang, mga usapin sa Infrastructure Development, Trade, Financial Integration at iba pang malalaking issue ang layong isulong ng binuong aktibidad ng gobyerno ng China.
Sinabi ni Montealegre na limang kasunduan ang inaasahang malalagdaan sa pagitan ng Pilipinas at China kung saan kabilang dito ang Edukasyon, anti-corruption at drug rehabilitation.
ito aniya ay sa inaasahang bilateral meeting ni Pangulong Duterte at ni Chinese President Xi Jinping at ang isa pang bilateral meeting ni Pangulong Duterte kasama naman si Chinese Premier Li Kequiang.
Hindi naman matiyak ni Montealegre kung matatalakay sa bilateral meeting ang issue sa territorial dispute sa South China Sea pero sinabi nito na tiyak na isusulong ni Pangulong Duterte ang interes at posisyon ng bansa sa usapin na ito.
Kabilang naman sa 40 state leaders na inaasahang dadalo sa nasabing aktibidad ay si Russian President Vladimir Putin, Indonesian President Joko Widodo, Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad, Brunei Sultan Hassanal Bolkiah, Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong, at United Nations Secretary General Antonito Guterres.