Pangulong Duterte, maaring maharap sa iba’t ibang kaso kaugnay sa umano’y katiwalian sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies

Kapag bumaba na sa pwesto ay maaaring makasuhan si Pangulong Duterte ng inciting to sedition, intimidasyon at pagpapabaya sa tungkulin.

Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Richard Gordon, kaugnay ito sa umano’y katiwalian sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies.

Pahayag ito ni Gordon, kaakibat ng inilabas niyang partial committee report kung saan pinapakasuhan niya ng katiwalian at iba pang asunto sina Department Of Health (DOH) Sec. Francisco Duque lll, dating Budget Usec. Lloyd Christopher Lao at mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporations.


Paliwanag ni Gordon, ang inciting to sedition ay dahil umano sa pag-udyok ni Pres. Duterte na huwag maniwala sa Commission on Audit (COA) at sa senado na nag-imbestiga sa kontrobersiya.

Sabi ni Gordon, ang intimidasyon naman ay dahil sa pagbabanta at panlalait ng pangulo sa mga senador na nakikiisa sa pagdinig.

Diin ni Gordon, ang kasong inexcusable neglect of duty naman ay dahil sa pagtatalaga sa Chinese Businessman na si Michael Yang bilang presidential economic adviser.

Facebook Comments