Inihayag ng Palasyo ng Malacanang na maglelecture si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang paparating na State of the Nation Address o SONA sa July 22.
Ito ang sinabi ng Malacanang matapos banggitin ni Pangulong Duterte kagabi na isa sa kanyang mga tatalakayin sa kanyang SONA ay ang issue sa Recto Bank incident.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, ituturo at ipaliliwanag ni Pangulong Duterte na hindi unconstitutional ang kanyang ginawa na hindi pagpigil sa mga Chinese na mangisda sa disputed areas sa South China Sea.
Paliwanag ni Panelo, posibleng iniisip ni Pangulong Duterte na baka hindi nababasa ng mga kritiko ang saligang batas o masyado nang luma ang kanilang kaalaman.
Wala namang sinabi si Panelo kung gaanong kahaba posibleng abutin ang SONA speech ng Pangulo sa susunod darating na July 22.