Pangulong Duterte, malabong bawiin ang utos sa mga pulis na dalhin ang kanilang armas

Naniniwala ang Malacañang na malabong bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kautusan nito sa mga pulis na dalhin ang kanilang armas kahit off-duty.

Ito ang pahayag ng Palasyo matapos ang Tarlac shooting incident kung saan sangkot ang isang pulis.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pulis na dawit sa double murder ay isa lamang bugok na unipormadong officer.


Naniniwala si Roque na mayorya ng police force ay nananatiling displinado.

Paliwanag ni Roque, pinapayagan ang mga pulis na bitbitin ang kanilang baril kahit off-duty para protektahan ang kanilang sarili mula sa mga masasamang loob.

Gayumpaman, patuloy na hinahangaan ng Palasyo ang mga pulis na iniaalay ang buhay para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.

Pero nagbabala si Roque sa mga pulis, maging sa mga sundalo na aabusuhin ang paggamit ng armas.

Hindi aniya kinukunsinte ni Pangulong Duterte ang anumang pagkakamaling gagawin ng security forces.

Una nang kinondena ng Palasyo ang insidente at tiniyak na ihahatid ang hustisya para sa mga biktima.

Facebook Comments