Malabong maglabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order para sa malayang satellite access para palakasin ang internet connectivity sa bansa.
Nabatid na hinimok ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) si Pangulong Duterte na pirmahan ang kautusang nagpapahintulot sa internet providers na gamitin ang satellite technology para mapabuti ang connectivity sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang panukala ng business chamber ay kailangang dumaan sa masusing pag-aaral.
Aniya, posibleng malabag o matapakan ni Pangulong Duterte ang kapangyarihan ng Kongreso.
Ang paggamit ng airwaves ay kailangang dumaan sa franchise grant na iniisyu ng Kongreso.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na isusulong ng gobyerno ang digital transformation sa susunod na taon.