Handang makipagtulungan ang Pilipinas sa Vatican lalo na sa pagprotekta sa migrants at pagresolba sa climate change.
Binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang malapit at mainit na diplomatikong relasyon sa pagitan ng Pilipinas at ng Holy See habang malugod niyang tinatanggap ang bagong Apostolic Nuncio to the Philippines na si Archbishop Charles Brown.
Ang bagong papal representative ay ipinakita ang kanyang credentials sa Pangulo sa ginanap na virtual ceremony sa Malacañang.
Ayon kay Pangulong Duterte, ipinagdiriwang ang 70 taon ng diplomatic ties at 500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Ikinalugod din ng Pangulo ang panawagan ng Holy See para sa paggalang ng buhay at dignidad ng mga migrants ano pa man ang status nito.
Aniya, nasa 10 milyong Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa ibang bansa.
Pinuri din ni Pangulong Duterte ang deklarasyon ni Pope Francis ng global climate emergency maging ang pangangailangan ng collective response sa equity at social justice.
Umaasa naman ang Pangulo na magiging produktibo at makabuluhan ang pananatili ng bagong papal nuncio sa Pilipinas.