Malugod na tinatanggap ng Pilipinas ang COVID-19 vaccine na dinevelop ng Russia.
Sa public address ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nito na nag-alok ang Russia na suplayan ang Pilipinas ng bakuna nang libre.
Nagpasalamat din siya kay Russian President Vladimir Putin dahil sa pagbibigay ng bakuna sa Pilipinas.
Nagboluntaryo rin si Pangulong Duterte na sumali sa clinical trials ng COVID-19 vaccine mula Russia.
Aniya, gusto niyang magpabakuna sa publiko para ipakita na ligtas ang bakuna ng Russia.
Malaki ang tiwala ng Pangulo sa mga pananaliksik at pag-aaral ng Russia sa paglaban sa COVID-19.
Umapela ang Pangulo sa publiko na hintayin ang bakuna pero kumpiyansa siyang maipamamahagi na ang bakuna simula sa Setyembre o Oktubre.
Tiwala rin ang Pangulo na magiging COVID-free ang Pilipinas pagdating ng Disyembre
Una nang sinabi ni Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev na ang proposal sa pagsasagawa ng clinical tirals at posibleng pagkakaroon ng local production ng vaccine sa bansa ay naisumite na sa local authorities.
Pagtitiyak ni Khovaev na epektibo at ligtas ang kanilang COVID-19 vaccine at handa silang ibahagi ito sa kanilang international partners kabilang ang Pilipinas.