Naniniwala si Sentor Panfilo “Ping” Lacson na hindi magiging mahirap kay Pangulong Rodrigo Duterte na humanap ng kapalit ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sakaling ito ay sibakin o magbitiw.
Paliwanag ni Lacson, may 170,000 na doktor sa buong bansa na pwedeng maging mas mahusay at mas tapat kumpara kay Duque.
Umaasa naman si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang ipapalit ng pangulo kay Duque ay may expertise sa larangan ng kalusugan at walang business interest.
Umaasa naman si Senator Kiko Pangilinan na totoo ang balitang naghahanap na si Pangulong Duterte ng ipapalit kay Duque dahil Pebrero pa lang ay kinakitaan na niya ito ng maraming kapalpakan o pagkukulang sa pagharap sa COVID-19 crisis.
Para kay Pangilinan, ang dapat mamuno sa DOH ay hindi dapat pinupulitika at nababahiran ng pangungurakot o overpricing ang mga programang pang-kalusugan at kaligtasan ng taumbayan sa gitna ng pandemya.
Sabi naman ni Senator Risa Hontiveros, sa bawat araw ng kulang at magulong liderato sa DOH ni Duque ay nawawala ang tiwala ng publiko sa anti-COVID-19 response ng gobyerno.
Pero giit ni Hontiveros, bukod sa pagpapalit sa health secretary ay dapat ding magkaroon ng malawakang reporma sa ating health system.