Pinagtibay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bilateral relations nito sa anim na bansa.
Kinabibilangan ito ng India, Chile, Hungary, Pakistan, Finland, at Egypt.
Sa statement na inilabas ng Malacañang, malugod na tinanggap ni Pangulong Duterte si Shambu S. Kumaran bilang Ambassador ng India at inaasahang mas mapapabuti pa ang kooperasyon lalo na sa defense and security, trade and investments, space science at paglaban sa pandemya.
Kasabay ng pag-upo ni Claudio Rojas bilang Ambassador ng Chile, pinasalamatan ni Pangulong Duterte ang Chilean government sa pagtanggap sa mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa kanilang bansa.
Iprinisenta naman ni Hungarian Ambassador Titanilla Tóth ang kaniyang credentials kay Pangulong Duterte at tiniyak na palalawakin ang trade, educational at cultural exchanges.
Dito ay inihayag ni Pangulong Duterte ang kanyang appreciation sa scholarships na iginawad sa mga Pilipinong estudyanteng nagpupursige ng advanced degrees sa Hungary.
Tinanggap din ng Pangulo ang credentials ni Imtiaz Ahmad Kazi bilang Ambassador ng Pakistan sa Pilipinas at inaasahang palalakasin ang military-to-military exchanges at intelligence labna sa terorismo at violent extremism.
Ang Information and Communications Technology (ICT), renewable energy at clean technology naman ang isusulong sa matibay na kooperasyon at relasyon ng Pilipinas at Finland kasabay ng pag-upo ni Juha Markus Pyykkö (Payko) bilang Ambassador ng Finland sa Pilipinas.
Mainit din ang pag-welcome ni Pangulong Duterte kay Ahmed Shehabeldin bilang Ambassador ng Egypt sa Pilipinas, at inaasahang mapapaigiting ang kooperasyon sa larangan ng kalakalan, agrikultura at paglaban sa terorismo.