Manila, Philippines – Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na bubuo siya ng isang komisyong iimbestiga sa Office of the Ombudsman dahil sa umano’y pagiging “bias” at tiwali.
Ayon kay Pangulong Duterte, hahabulin niya at hindi palalagpasin ang mga lagayan sa Ombudsman para lamang madismiss ang isang kaso.
Tahasang hinamon din ng Pangulo ang Ombudsman na hanapin ang sinasabing P211 million sa kanyang bank account.
Kaugnay ito ng pahayag ng Ombudsman na iniimbestigahan na nila ang umano’y multi-billion pesos na yaman ng Pangulo at ng pamilya niya, batay sa reklamong inihain ni Senator Antonio Trillanes IV.
Itinuturing naman ni Trillanes na isang pangha-harass sa Ombudsman ang pahayag ng Pangulo.
Una nang itinanggi ng Anti-Money Laundering Council na sila ang nagbigay sa Ombudsman at kay Trillanes ng mga bank record ng pamilya Duterte.