Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipapahinto ang operasyon ng Facebook sa Pilipinas.
Ito ang pahayag ng Pangulo matapos burahin ng social media giant ang dalawang network ng fake accounts na ginagamit para linlangin ang mga tao, kabilang ang 155 accounts na natunton mula Fujian, China at 57 ay konektado sa Philippine military at police.
Sa public address, sinabi ni Pangulong Duterte na kabilang sa mga tinanggal ng Facebook ay ang mga government accounts na layong bigyang kaalaman ang publiko hinggil sa banta ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Nais malaman ng Pangulo kung ano ang hangarin ng Facebook sa Pilipinas kung hindi nito matulungan ang pamahalaan sa mga adbokasiya nito.
“Now if the government cannot espouse or advocate something which is for the good of the people, then what is your purpose here in my country?” ayon kay Pangulong Duterte.
“You know Facebook, insurgency is about overturning government. What would be the point of allowing you to continue if you cannot help us?” dagdag pa niya.
Iginiit ni Pangulong Duterte na hindi sila maaaring maglatag ng sarili nilang polisiya para sa gobyerno.
Gayumpaman, handa si Pangulong Duterte na makipag-usap sa social media giant.
Una nang sinabi ng Facebook na tinanggal nila ang mga nasabing accounts at pages dahil sa paglabag sa polisiya laban sa foreign o government interference.