Pangulong Duterte, nagbantang mangangampanya laban kay Sen. Pacquiao kapag hindi napatunayan ang alegasyon ng korapsyon

Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na palalabasin niya na sinungaling si Senator Manny Pacquiao.

Ito ay kung hindi mapatunayan ang alegasyon ng senador na ang kasalukuyang administrasyon ay tatlong beses na mas corrupt kumpara sa nakaraang administrasyon.

Sa kanyang Talk to the Nation Address, hinamon ni Pangulong Duterte si Pacquiao na patunayan ang mga sinabi nito sa halip na mamulitika sa harap ng pandemya.


“I’m challenging him. Ituro mo ang opisina na korap at ako na ang bahala. Within one week may gawin ako,” sabi ni Pangulong Duterte.

Aniya, ilista ni Pacquiao ang mga tao at mga tanggapang sangkot sa korapsyon.

Dapat ginawa ito ni Pacquiao noon pa at ibinigay sa kanya.

Banta ng Pangulo, personal siyang mangangampanya laban kay Pacquiao kung hindi niya mapapatunayan ang kanyang alegasyon.

Sinabi rin ni Pangulong Duterte na plano talaga ni Pacquiao na maging susunod na pangulo ng bansa.

“If you will fail to do that, I will campaign against you, because you are not doing your duty…do it, because if you will not, I will just tell the people, ‘Do not vote for Pacquiao because he is a liar,” sabi ni Pangulong Duterte.

Dagdag pa ni Pangulong Duterte, malabong mawala ang korapsyon sa bansa kahit manalo pa si Pacquiao bilang presidente.

Sa pahayag ni Pacquiao na pagtatayuan niya ng bahay ang lahat ng Pilipino, sagot ni Pangulong Duterte ay “good luck” na lang.

Si Pacquiao ang tumatayong presidente ng ruling PDP-Laban habang si Pangulong Duterte ang chairperson ng ruling party.

Facebook Comments