Pangulong Duterte, nagbantang puputulin ang pakikipagtransaksyon sa Philippine Red Cross kapag patuloy na tumanggi si Senator Gordon na magsumite ng audit report sa Office of the President

Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na puputulin nito ang alinmang transaksyon sa Philippine Red Cross (PRC) kapag patuloy na tumanggi ang chairman nito na si Senator Richard Gordon na magsumite ng audit report sa kaniyang tanggapan.

Sa taped ‘Talk to the People’ ni Pangulong Duterte, sinabi ng pangulo na ituturing niyang hindi nag e-exist ang PRC at wala siyang pakialam kung gumawa man ng kontrobersiya si Gordon.

Reaksyon ito ng Punong Ehekutibo makaraang makailang beses igiit ni Sen. Gordon na hindi sila pwedeng i-audit ng Commission on Audit (COA) dahil ang Red Cross ay isang Non-Government Organization (NGO) na bagay na tinutulan ni Duterte dahil tumatanggap aniya ng pondo ang PRC mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).


Kasunod nito, liliham aniya siya kay COA Chairperson Michael Aguinaldo para mabuksan ang records ng PRC at mabusisi kung papaano ginastos ni Sen. Gordon ang kanilang pondo.

Matatandaang ilang beses nang sinabi ng pangulo sa kaniyang mga ‘Talk to the People’ na kailanman ay hindi nagsumite ng annual report ng PRC si Sen. Gordon sa Office of the President.

Facebook Comments