Pangulong Duterte, nagbantang tatapyasin ang pondo ng UP kapag tumanggi ang mga itong pumasok sa kanilang klase

Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na tatapyasin niya ang pondo ng pamantasan kapag tumanggi silang pumasok sa kanilang klase at nakilahok sa mga protesta laban sa pamahalaan.

Sa kanyang “Talk to the Nation Address,” sinabi ni Pangulong Duterte na nagiging recruitment ground ng mga rebeldeng komunista ang unibersidad.

Binanatan din ni Pangulong Duterte ang mga estudyante ng Ateneo de Manila University (ADMU) na planong magsagawa ng strike dahil sa mabagal na aksyon ng gobyerno sa mga biktima ng bagyo.


Payo ng Pangulo sa mga estudyante, huminto na lamang sila sa pag-aaral para makatipid ang kanilang mga magulang sa gastos.

Pero iginiit ni Pangulong Duterte na hayaan ang gobyerno na gawin ang trabaho nito lalo na sa pagtugon sa mga kalamidad.

Maghintay aniya sila ng susunod na bagyo para malaman kung ang ibinibigay na tulong ng gobyerno ay sapat. Kung hindi naman, maaari silang magprotesta.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang mga Ateneans na planong magsagawa ng strike ay mga ‘loko-loko.’

Una nang nagbabala ang Malacañang sa mga estudyante na babagsak sila kapag hindi nila ikinumpleto ang kanilang academic requirements.

Facebook Comments