Manila, Philippines – Pumalag ang MAKABAYAN sa Kamara hinggil sa panibagong banta ng Pangulong Rodrigo Duterte na isasailalim sa martial law ang buong Pilipinas.
Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, naghahanap ng maidadahilan ang Presidente para magdeklara ng martial law sa buong bansa.
Aniya, hindi bumenta ang banta ng narco-politics at ang banta ng teroristang grupong ISIS sa bansa para ideklara ang batas militar sa buong Pilipinas.
Sinabi ni Tinio na tulad ng diktador na Pangulong Ferdinand Marcos ay nire-recycle naman ngayon ni Pangulong Duterte ang dahilan nito na banta ng mga komunistang grupo.
Naniniwala naman si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na ito ay psywar tactic ng Presidente para hindi makisali ang mga Pilipino sa mga kilos protesta laban sa mga maling polisiya ng pamahalaan.
Giit ng mga mambabatas, kahit kailan sa nangyaring EDSA 1 at 2 ay walang karahasan o labanan na nangyari maski nang ito ay umabot sa pagpapatalsik sa Pangulo.