Pangulong Duterte, nagpaalala sa mga lokal na opisyal na tanggapin ang mga returning OFWs

Muling nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lokal na pamahalaan na tanggapin ang mga pauwing Overseas Filipino Workers (OFWs) sa kanilang lugar.

Matatandaang inireklamo ni Ormoc City Mayor Richard Gomez ang kawalan ng koordinasyon sa national government hinggil sa pagpapauwi ng stranded OFWs sa kanilang lungsod.

Sa televised address, sinabi ni Pangulong Duterte na naiintindihan niya ang pagiging “vigilant” ni Gomez sa pagbabantay ng kanyang nasasakupan.


Pero iginiit ng Pangulo na isang “sacred constitutional right” ang makabiyahe at makauwi sa kanilang mga bahay ang repatriates.

Kailangang papasukin ang mga OFW na mayroong health clearances.

Kaugnay nito, nilinaw naman ni Mayor Gomez na wala siyang problema sa pagtanggap ng Balik-Probinsya beneficiaries basta nasusunod ang health protocols.

Sinabi naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na sumang-ayon ang lahat ng local government officials na tanggapin ang mga OFW pauwi sa kanilang mga hometown.

Ang mga alkalde at gobernador aniya ay maaaring magpatupad ng additional home quarantine para sa mga pauwing residente.

Umaasa ang DILG na mapapauwi nila ang lahat ng stranded OFWs sa kanilang mga lugar pagdating ng Sabado, May 30.

Karamihan ng nasa 11,889 OFWs ay naghihintay ng kanilang mga biyahe pauwi.

Facebook Comments