Pangulong Duterte, nagpatawag ng special session sa Kongreso para sa 2021 budget

Nagpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte ng special session sa Kongreso para ipagpatuloy ang deliberasyon sa panukalang ₱4.5 trillion 2021 national budget.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang four-day special session ay magsisimula sa Martes, October 13, 2020.

Bukod dito, sinertipikahan ni Pangulong Duterte ang panukalang budget bilang urgent bill.


“Pinagbibigay-alam po natin sa sambayanang Pilipino na nagpatawag po ng special session si Pangulong Duterte para sa Kongreso. Ito po ay para sa October 13 hanggang October 16. Ito po ay para talakayin ang national budget,” sabi ni Roque.

“Sa kaparehong proklamasyon po ay sinertify as urgent ng ating Pangulo ang proposed 2021 budget,” dagdag ni Roque.

Ginawa ni Pangulong Duterte ang hakbang na ito para maiwasang maantala ang pagpasa ng pambansang pondo.

“Ginawa po ito ng Presidente dahil importanteng maipasa, maisabatas ang proposed 2021 budget dahil ito po ang gagamitin natin laban sa COVID-19 pandemic,” sabi ni Roque.

Batay sa Article VI, Section 15 ng 1987 Constitution, ang Kongreso ay kailangang mag-convene isang beses kada taon tuwing ika-apat na Lunes ng Hulyo para sa regular session nito, maliban na lamang kung magkaroon ng batas para baguhin ang petsa nito.

May kapangyarihan din ang Pangulo para magpatawag ng special session anumang oras.

Ang desisyong ito ni Pangulong Duterte ay kasunod ng kanyang pakiusap sa Kamara na resolbahin ang mga isyu nito matapos suspendihin ang kanilang sesyon at ipasa ang panukalang budget sa ikalawang pagbasa.

Facebook Comments