Isang napakahirap na pagpapasya ang gagawin ni Pangulong Rodrigo Duterte na may kinalaman sa magiging susunod na quarantine classification sa NCR plus bubble para sa buwan ng Mayo.
Inaasahang magbibigay ng public address ang Pangulo mamayang gabi at nakatakdang i-anunsyo kung palalawigin o hindi ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa rehiyon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaasahang ikokonsidera ni Pangulong Duterte na protektahan ang mga tao mula sa COVID-19 at ang problema ng gutom.
Kabilang sa pagbabatayan ay ang two-week attack rate, daily attack rate at ang critical healthcare utilization rate.
Ang Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, at Santiago City sa Isabela ay nasa ilalim ng MECQ hanggang April 30.
Ang mga lugar na nasa General Community Quarantine (GCQ) ay ang Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Batangas, Tacloban City, Iligan City, Davao City, Lanao del Sur at Quezon.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa Modified GCQ.