Pangulong Duterte, nais dumalo sa mga pagdinig ukol sa mga panukala laban sa katiwalian at red tape

Inihayag ni Senate President Tito Sotto III na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na dumalo sa mga congressional hearings ukol sa mga panukala laban sa katiwalian at red tape.

Sinabi ito ng Pangulo sa pulong kagabi sa Malacañang kung saan ipinatawag niya sina Senate President Tito Sotto at House Speaker Alan Peter Cayetano, kasama si House Majority Leader Martin Romualdez kung saan dumalo rin si Senator Christopher Bong Go.

Ayon kay Sotto, nais ng Pangulo na maamyendahan muli upang higit na mapalakas ang Anti-Red Tape Law o ang Ease of Doing Business Law na nagpapaiksi sa sistema at proseso ng mga transaksyon sa gobyerno para masawata ang katiwalian.


Dahil dito ay sinabi ni Sotto na padadalhan muna nila si Pangulong Duterte ng panukalang batas na babalangkasin nila sa Senado sa pakikipag-ugnayan sa Kamara.

Binanggit naman ni Senator Go, na napag-usapan din sa pulong ang pagpapahaba ng panahon ng pagkakakulong para sa ilang krimen.

Facebook Comments