Gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na makilala ang Manila traffic enforcer na nanatiling kalmado sa kabila ng pananakit ng isang motorista.
Sa kanyang televised address, pinuri ni Pangulong Duterte ang enforcer na nagpakita ng “grace under pressure” at hindi gumanti sa traffic violator.
Pero aminado si Pangulong Duterte na kung nalaman agad ng traffic enforcer na drug courier ang traffic violator ay iba ang magiging pagtrato nito.
“Kita mo naman how a government personnel would handle the situation. Nagpabugbog lang siya kasi babae not knowing na courier ‘yan. Kay kung nalaman nila na may shabu diyan, they were couriers, eh hindi ganoon ang reaksyon ng kuwan. Talagang hulihin ‘yan at kung baliin ‘yong kamay, baliin mo,” sabi ni Pangulong Duterte.
“Eh iniipit niya ‘yong kamay ng… Tama ‘yon. Gusto kong makilala ‘yong ano, ‘yong… You know, it was a grace under — grace under ano. Basta’t tumindig lang ‘yon doon,” dagdag pa ng Pangulo.
Sinabi ni Pangulong Duterte na maaaring sampahan ng direct assault ang traffic violator dahil sa panghahampas nito sa traffic aide na ikinokonsiderang “persons in authority”.
“‘Yong nangyari doon sa ‘yong babae na ayaw magpaaresto tapos pinaghahampas niya ‘yong traffic aide or auxiliary, whatever, eh iyon ay agent of a person in authority. Iyong babae mayroon ‘yon, direct assault. At ah — iyon ‘yong kaso, iyong kaso niya from slight o serious physical injuries. So ang mabigat doon is iyong direct assault niya aside from resisting an arrest,” ani Pangulong Duterte.
Nabatid na hinuli ang isang 26-anyos na babae dahil sa traffic violation at pananakit sa enforcer na si Marcos Anzures ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).