Pangulong Duterte, nais sibakin ang lahat ng opisyal sa TRB dahil sa isyu ng RFID

Ikinokonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsibak sa lahat ng bumubuo ng Toll Regulatory Board (TRB) dahil sa kawalan ng aksyon sa pagkabuhul-buhol ng trapikong bunga ng pagpapatupad ng cashless transactions sa tollways.

Ito ang pahayag ng Pangulo matapos suspindehin ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ang business permit ng NLEX Corporation dahil sa pagpapatupad ng Radio Frequency Identification (RFID) system.

Sa kanyang “Talk to the Nation Address,” sinabi ng Pangulo na hindi niya masisisi ang mga toll operators sa nangyaring problema dahil ang TRB ang may trabahong tiyaking walang aberya ang pagpapatupad ng bagong sistema.


Naiintindihan din ng Pangulo ang pasya ni Mayor Gatchalian na suspendihin ang permit ng kumpanya dahil sa iniwan nitong matinding trapiko sa kaniyang lungsod at karapatan niya ito.

Tinanong niya si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade kung maaaring sibakin ang lahat ng nasa TRB at palitan ang mga ito ng mga taong mayroong experience dahil tila hindi nila alam kung paano maging regulators.

Iminungkahi pa ng Pangulo kay Tugade na mag-hire ng retiradong military official.

Pinayuhan din niya ang mga government officials na magbitiw na lamang kung hindi nila kayang gampanan ang kanilang tungkulin.

Inatasan din ng Pangulo ang mga opisyal ng TRB na makipagpulong kay Tugade ngayong araw para ilatag ang mga hakbang nito para maresolba ang RFID issue.

Kaugnay nito, sinabi ni Tugade na tumaas ang bilang ng gumagamit ng RFID sa loob ng lockdown period mula 1.4 million noong pre-pandemic hanggang sa umabot na sa 3.7 million ngayong buwan.

Humingi ng paumanhin si Tugade sa Valenzuela City Government, mga motorista sa abalang idinulot nito.

Facebook Comments