
Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na tiwala siya sa katapatan at integridad ng kanyang mga kasama sa gabinete.
Ito ang paninindigan ng Pangulo kasunod ng pagsasagawa ng imbestigasyon ng Ombudsman sa mga umano’y iregularidad sa Department of Health (DOH) partikular ang pagtugon sa COVID-19.
Sa kanyang public address, sinabi ni Pangulong Duterte na handa siyang humarap sa Ombudsman para depensahan ang kanyang mga opisyal.
Aniya, malinis at walang bahid ang kanyang mga tauhan.
Handa niyang itaya ang kanyang reputasyon at sinigurong walang anomalya sa pagtugon ng pamahalaan sa pandemya.
Kinikilala rin ni Pangulong Duterte na ang public service ay nangangailangan ng sakripisyo mula sa mga kawani ng pamahalaan.
Pagtitiyak din ni Pangulong Duterte na walang iregularidad sa pagbili ng medical supplies.
Sinabi naman ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na ang mga biniling COVID-19 supplies at equipment ay ginagarantiya ang kaligtasan ng mga Pilipino at health workers.
Nabatid na nagkasa si Ombudsman Samuel Martires ng imbestigasyon laban kay Health Secretary Francisco Duque III at iba pang opisyal dahil sa mga anomalya sa pagtugon sa COVID-19 pandemic, kabilang ang pagbili ng Personal Protective Equipments (PPEs) at pagbibigay ng benepisyo sa mga healthcare workers.









