Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga bansa na magkaisa na malagpasan ang epekto ng COVID-19 pandemic, maging ang paglaban sa lawless elements na sinasamantala ang health crisis.
Ito ang pahayag ng Pangulo sa 2020 Aqaba Process Virtual Meeting on COVID-19 Response na pinangunahan ni King Abdullah II ng Hashemite Kingdom of Jordan.
Sa virtual meeting, nanawagan ang Pangulo ng matibay na kooperasyon, malalim na katatagan at openness sa bawat bansa para sa muling pagbangon ng ekonomiya at malabanan ang terorismo at violent extremism.
Ibinahagi rin ng Pangulo kung paano hinaharap ng Pilipinas ang pandemya at ang epekto nito.
Aniya, walang bansa ang nakaligtas mula sa krisis.
Binanggit din ni Pangulong Duterte ang patuloy na pagkompronta ng Pilipinas sa banta ng terorismo kabilang ang mga local terrorist group tulad ng Abu Sayaff Group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at ang New People’s Army (NPA) ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Hinimok ni Pangulong Duterte ang mga kapwa leader na bigyang pugay ang mga namatay sa virus at mga biktima ng terorismo sa pamamagitan ng pagpatitibay ng partnership at cooperation.
Paiigtingin din ni Pangulong Duterte ang kooperasyon nito sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), United Nations at iba pang international partners.
Pinasalamatan din ng Pangulo si King Abdullah II sa pagpatatawag ng pulong.
Ang 2020 Aqaba Process Meeting ay itinipon ang mga world leaders at mga pinuno ng international organizations para magpalitan ng pananaw sa pagpapatibay ng international cooperation lalo na at kinahaharap ng mga bansa ang radicalization at violent extremism sa harap ng COVID.