Pinatitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na makakatanggap ng second dose ng COVID-19 vaccines ang mga nakatanggap na ng unang dosage nito.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, nangangamba ang Pangulo na baka hindi na maturukan ng second dose ang mga indibidwal na unang nabakunahan.
Iginiit ni Pangulong Duterte na limitado pa lamang ang vaccine supply na mayroon ang bansa lalo na at galing pa lamang ito sa donasyon ng China at COVAX facility.
Inirekomenda ni Health Secretary Francisco Duque III sa Pangulo na i-distribute ang lahat ng AstraZeneca Vaccines bilang first dose para mas maraming healthcare workers ang makinabang.
Sinabi ni Duque na marami pang vaccine supplies ang darating sa bansa mula sa COVAX Facility na ilalaan para sa second dose ng mga benepisyaryo.
Para sa mga naturukan ng Sinovac, ibibigay ang second dose 28-araw pagkatapos ng unang vaccination.
Nabatid na may ilang bakuna ang nagre-require ng dalawang dose para matiyak ang bisa nito.