Muling iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na patuloy pa rin niyang pinagkakatiwalaan si Health Secretary Francisco Duque III sa kabila ng mga panawagan para sa kaniyang pagbibitiw.
Sa kaniyang public address, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi pa panahon para magbitiw si Duque dahil wala naman siyang ginagawang mali.
Batid din ng Pangulo ang sitwasyong kinahaharap ni Duque lalo na at pinangangasiwaan niya ang isang malaking ahensya.
Dagdag pa ng Pangulo, walang dahilan para mag-resign si Duque kung hindi naman siya nasasangkot sa korapsyon.
Pinasalamatan naman ni Duque ang Pangulo sa patuloy na pagtitiwala sa kaniya.
Muling inihayag ni Duque ang kaniyang pagkadismaya sa pag-uugnay sa kaniya sa korapsyon sa PhilHealth lalo na sa overpriced IT system.
Iginiit ni Duque na ang mga pumirma ng claims at purchases ay hindi kasama sa listahan ng mga taong dapat kasuhan.
Matatandaang isa si Duque sa mga inirerekomenda ng senador na kasuhan ng graft at malversation dahil sa pagkakasangkot sa mga iregularidad sa PhilHealth.
Una nang iginiit ni Duque na ang command responsibility sa PhilHealth ay hindi nakaatas sa kaniya kundi sa President and Chief Executive Officer ng tanggapan.