Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na wala pa sa second wave ng COVID-19 infection ang Pilipinas.
Sa kanyang Public Address, sinabi ng Pangulo na nananatili sa first wave ng infection ang bansa.
Sa kabila ng pagtaas ng kaso, binanggit ni Pangulong Duterte na mas marami pa rin ang gumagaling sa sakit kaysa sa mga namamatay.
Muli ring iginiit ng Pangulo na kailangang dahan-dahan ang pagpapaluwag ng lockdown measure dahil hindi na mahihirapan ang bansa sakaling magkaroon ng panibagong bugso ng COVID-19 cases.
Aniya, ang pagdedesisyon ay dapat ibinabase sa siyensya at hindi sa hula-hula.
Ang Cebu City pa rin ang nag-iisang lugar sa bansa na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Nasa ilalim naman ng General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila, Benguet, Cavite, Rizal, Lapu Lapu City, Mandaue City, Leyte, Ormoc, Southern Leyte, Talisay City, Cebu, at Minglanilla at Consolacion sa Cebu Province.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa ilalim ng Modified GCQ.