Iginiit ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na nilabag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Konstitusyon dahil sa kanyang national security at foreign policy strategies na bigong ipagtanggol ang soberanya at teritoryo ng bansa mula sa pagbabanta at pananakop ng ibang bansa.
Ayon kay Carpio, bigo si Pangulong Duterte bilang commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at bilang chief architect ng foreign policy ng bansa dahil hindi niya ipinagtanggol ang karapatan at integridad ng teritoryo ng bansa sa West Philippines Sea.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang Presidente ay commander-in-chief ng AFP at responsable sa pagbuo ng foreign policy ng bansa.
Dagdag pa ni Carpio, na ang mga pahayag ng Pangulo ay pagsuko ng mga teritoryo at soberanya ng bansa sa China.
Kailangan aniyang baligtarin ito sa lalong madaling panahon bago ito mag-iwan ng matinding pinsala sa national sovereignty, national territory, at sovereign rights.