Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11534 o Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act o CREATE Law.
Pero siyam na items o probisyon sa bagong batas ang binaril o vineto ng Pangulo para matiyak na mananatiling patas, responsable, at hindi kalabisan ang reform program.
Sa ilalim ng batas, ibababa ang corporate income tax, pabibilisin ang fiscal incentives at i-e-exempt ang COVID-19 vaccines mula sa Value Added Tax (VAT).
Sa mensahe ni Pangulong Duterte sa Kongreso, ang batas ay magsisilbing fiscal relief at recovery measure sa mga negosyong pinadapa ng pandemya.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ipinataw ni Pangulong Duterte ang direct veto sa ilang items tulad ng panukalang itaas ang VAT-exempt threshold sa real property sale, incentives para sa domestic enterprises, at automatic approval ng incentive applications.
Hindi pinagbigyan ng Pangulo ang VAT-exempt threshold na hanggang ₱4.2 million sa pagbenta ng real property dahil ang makikinabang lamang dito ay ang mga hindi target sa exemption.
Vineto rin ito ng Pangulo para maiwasan ang anumang pang-aabuso.
Hindi rin nakalusot sa Pangulo ang 90-day period na pagpoproseso ng general tax refunds dahil sa administrative impracticability.
Sa halip, inatasan ni Pangulong Duterte ang Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) para bumuo ng mekanismo para mapabilis ang proseso ng tax refunds.
Hindi rin aprub sa Pangulo ang depinisyon ng investment capital na hindi kasama ang halaga ng lupa at working capital.
Ibinasura rin ng Pangulo ang ilang redundant incentives para sa domestic enterprises.
Ni-reject din ng Pangulo ang item na pumapahintulot sa mga existing activities para mag-a-apply para sa bagong incentives dahil maituturing itong fiscally irresponsible.
Hindi rin pinagbigyan ng Pangulo ang panukalang limitahan ang kapangyarihan ng Fiscal Incentives Review Board.
Tinanggal din ng Pangulo ang probisyon na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan na i-exempt ang anumang investment promotion agency mula sa reporma.
Veto rin ang ipinataw ng Pangulo sa automatic approval ng applications para sa mga incentives.