Pangulong Duterte, nilinaw na wala pang ginagastos ang gobyerno sa vaccine procurement

Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga pondong inutang ng pamahalaan para sa pagbili ng bakuna ay hawak pa ng mga bangko.

Sa kanyang Talk to the Nation Address, iginiit ni Pangulong Duterte na walang hinahawakang pera ang gobyerno habang nakabinbin ang delivery ng vaccine supplies.

Wala pa aniyang ginagastos ang gobyerno para sa bakuna dahil ang mga dumating pa lamang na supply ay mga donasyon lamang.


Pagtitiyak ng Pangulo na walang bahid ng korapsyon ang financing program sa multilateral lending institutions.

Aniya, ang pera ay deretso na napupunta sa vaccine manufacturers kapag dumating na sa bansa ang mga supply.

Maaari lamang kwestyunin ang pamahalaan hinggil sa pondo kung ang unang batch ng vaccine supplies na nabili ng gobyerno ang dumating na sa bansa.

Bago ito, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na nakapaglaan ang gobyerno na nasa ₱82.5 billion para sa pagbili ng mga bakuna, logistics at iba pang supply.

Aabot naman sa ₱58.5 billion ang inutang ng pamahalaan mula sa World Bank, Asian Development Bank, at Asian Infrastructure Investment Bank.

Sabi ni Dominguez, sapat ito para mabakunahan ang nasa 70 milyong Pilipino sa bansa ngayong taon.

Sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na nasa isang milyong doses ng Sinovac vaccines na nabili ng gobyerno ang darating sa bansa sa March 29.

Sa March 24 naman darating ang karagdagang 400,000 doses na donasyon ng China habang nasa 979,000 AstraZeneca doses ang ipapadala sa March 24 at 26.

Facebook Comments